February 09, 2019

Aquino ukol sa Dengvaxia: Binalot nila ng intriga, pagdududa, at takot ang mga bakuna


Naniniwala si dating Pangulong Benigno Aquino III na pulitika umano ang nasa likod ng kabi-kabilang mga pangamba ukol sa Dengvaxia program na ipinatupad sa ilalim ng kanyang panunungkulan.

Pahayag ito ni Aquino kasunod ng rekomendasyon ng dalawang komite sa Kamara na kasuhan ito at iba pang miyembro ng kanyang gabinete ukol sa kontrobersyal na anti-dengue vaccine.

Depensa ni Aquino, gumagawa lamang daw ng isyu ang kanya raw mga kalaban sa pulitika kaya lalong yumabong ang usapin.

“Maliwanag po, may mga kalaban tayo sa politika, na laging sasabihing mali ang ating ginawa o di ginawa. Gumagawa sila ng isyu kung saan dapat walang isyu,” wika ni Aquino.


Dagdag pa aniya, “maliwanag naman po, 17 ang BAKA may risko na magkaroon ng Grades I at II na Dengue, na hindi man lang pinaka-malubha. Binalot nila ng intriga, pagdududa, at takot ang mga bakuna. Pinakaba ang higit 837,900 at ang buong sambayanan, kaya pati ang bakunang gaya ng para sa Tigdas ay inaayawan.”


Giit ni Aquino, matagal na raw problema ng bansa ang dengue, na dating tinawag na Philippine Hemorrhagic Fever, kung saan sa kabila raw ng pagtutok dito ng gobyerno ay hindi pa rin napigilan ang pagtaas ng bilang ng mga nadadapuan ng sakit.

Una nang sinabi ng Department of Health na matapos ang pangamba sa Dengvaxia, lalo pa umanong lumaki ang bilang ng mga Pilipinong wala nang tiwala sa mga bakuna na nagbunga sa pagkalat ng iba pang mga sakit bukod sa dengue.

“Mga kababayan, kayo na po ang saksi sa mga ulat ng outbreak ng Tigdas sa bansa. Kayo, ang aking mga Boss, ang siyang makakapagsabi kung sino ang tunay na nasa tama. Kayo na po ang humusga,” anang dating presidente.

Maaalalang sa report na inilabas ng House Committee on Health ni Quezon Rep. Angelina Helen Tan at Committee on Good Government and Public Accountability ni Camiguin Rep. Xavier Romualdo, nakitaan umano ng paglabag sa Republic Act (RA) No. 3019 o ang Anti-graft and Corrupt Practices Act sina Aquino, dating Budget Sec. Florencio Abad, at dating Health Sec. Janette Garin.

Source: BOMBORADYO