August 18, 2022

Lalaking dinukot sa Batangas gas station, natagpuan ang katawan sa Quezon

Natagpuang patay na sa gilid ng kalsada sa bayan ng Sariaya, Quezon ang lalaking dinukot sa isang gasolinahan sa Taal, Batangas nitong Martes ng gabi.

Positibong kinilala ng mga kaanak ang bangkay ng biktimang si Eugene Beltran Del Rosario, isang residente ng Lemery, Batangas, matapos siyang matagpuang nakahandusay sa gilid ng Eco-Tourism Road sa nasabing bayan ngayong Huwebes ng umaga.

Ayon sa report ng pulisya ng Sariaya, nakatali ang 2 kamay at nakabalot pa ng packaging tape ang buong ulo ni Del Rosario nang matagpuan ito mga 71 kilometro ang layo mula sa lugar kung saan siya dinukot.

Sabi naman ng hepe ng pulisya nga si Lt. Col. William Angway Jr., may tama ng bala sa ulo at likod ang biktima.

Lumabas din sa kanilang paunang imbestigasyon na hindi sa Sariaya pinatay ang biktima kundi sa ibang lugar at itinapon lamang umano ang bangkay sa naturang bayan.

Panoorin:

Huling nakitang buhay si Del Rosario nitong Miyerkoles ng gabi sa isang gas station sa bayan ng Taal. Nakunan pa nga ng CCTV ang pagdukot sa kanya.

Sa kuha ng CCTV, makikita na naglalakad ang biktima patungo sa gasolinahan nang dumating ang 2 AUV at nagsibabaan ang 8 armadong lalaki.

Sapilitan nilang isinakay si Del Rosario sa isa sa mga van habang sumisigaw ito at humihingi ng saklolo.

Ayon sa asawa ng biktima na si Jane Cabello, kakababa lamang ng bus mula Maynila ang mister niya at pauwi na sana sa bahay nila nang dinukot ito.

Patuloy pa ang imbestigasyon at inaalam ang motibo sa krimen at kung sino ang mga dumukot sa biktima.