January 30, 2019

Gustong i-postpone ng Makabayan bloc ang Manila Bay Rehabilitation


Gustong ipagpaliban ng mga makakaliwang kongresista ang Manila Bay Rehabilitation Program.

Kasama ang ilang magsasaka at mangingisda, nagsumite ng resolusyon sina Anakpawis Congressman Ariel Casilao, Alliance of Concerned Teachers Representatives Antonio Tinio and France Castro, Bayan Muna Representative Carlos Zarate, Kabataan Representative Sarah Elago, Gabriela Representatives Arlene Brosas at Emmi de Jesus.

Nais umano ng mga kongresista na irekomenda ng kongreso sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) na isapubliko ang rehabilitation master plan, magsagawa ng public consultation para sa mga maapektohan ng rehabilitasyon.

Kailangan daw na magkaroon ng masusing pag-aaral tungkol sa epekto nito sa mga marginalized sectors. Hindi din daw dapat malabag ang mga karapatan at kabuhayan ng mga sektor na ito.

Ayon sa mga makakaliwang mambabatas, humigit-kumulang 250,000 na informal settlers ang mawawalan ng tirahan dahil sa Manila Bay Rehabilitation.

Itong mga nakaraang araw ay naging laman ng balita ang pagsasama-sama ng mga volunteers para linisin ang Manila Bay noong Linggo. Umabot sa 5,000 ang mga taong nakilahok sa ginawang pagkilos. Matandaang umani ito ng pagkamangha sa social media matapos makita ang makabuluhang resulta ng pagtutulungan ng mga Pilipino.

Ang paglilinis sa Manila Bay ay isa sa mga agenda ni Pangulong Rodrigo Duterte. Kamakailan lang ay inatasan niya ang DENR na linisin ang naturang lugar. Magugunita rin na pinagbantaan niya na ipapasara ang mga negosyo sa paligid ng Manila Bay kung hindi magpapakabit ang mga ito ng water treatment systems.