Agad na ibinahagi ni Kris Aquino ang kanyang naging karanasan nang minsang pumunta sa Ayala Cinema para manood sana ng pelikula ng kanyang BFF na si Sharon Cuneta. Ayon sa artista, sila-sila at dalawang kaibigan lang ang nagpunta sa sinehan. Sinadya nilang hindi magsama ng mga guards upang hindi sila masyadong mapansin, ngunit sa kabila ng lahat ay hindi pa rin napalampas ng sinehan ang kanilang muntik nang gawin.
Ang siste kasi, ang pelikulang Kuwaresma ay R-13-- ibig sabihin, hindi maaaring manood nito ang mga batang 13 years old pababa, kahit pa may kasama silang magulang o ibang nakatatanda. Akala nila, hindi na mapapansin na kulang pa sa buwan si Bimby para makapanood, dahil matangkad naman ito.
Sa katunayan, matagumpay namang naipasok ni Kris Aquino ang kanyang anak sa sinehan. Subalit laking gulat na lang nila nang kalahating oras pa lang ang lumipas ay pumasok na ang mga otoridad sa sinehan upang sabihin na kailangan nilang lumabas. Humingi pa diumano ng paumanhin ang mga nagpalabas sa kanila, dahil masyadong sikat ang kanilang pamilya at alam ng lahat na labindalawang taong gulang pa lang si Bimby.
Lumabas na nga ang dalawa, at nangako na lang si Kris sa kanyang anak na kapag mapapanood na nila ang pelikula sa Video on Demand ay panonoorin nila ito. Nangako rin si Kris na hindi niya ito panonoorin nang wala si Bimb.
Aminado man na mali ang sinubukan nilang gawin, hindi pa rin napigilan ni Kris na maisip kung gaano ka-inconsistent ang mga ganitong patakaran sa kung ano ang pwede at hindi pwedeng panoorin ng mga bata. Oo nga at mahigpit na napapatupad sa mga sinehan ang tamang edad ng panonood ng mga pelikula. Ngunit ano ang silbi nito kung may access naman ang lahat sa mga palabas sa streaming services kagaya ng Netflix halimbawa-- kung saan nakakapanood sila ng mga palabas o series na mayroon pang mas malalang mga tema, kagaya na siguro ng Game of Thrones.
Ano ang masasabi ninyo tungkol dito?
Source: Youtube