Mula nang magkamalay ang magkapatid na sina Trina at Aaron ay baldado na ang kuya nilang si Jove. Nakasanayan na nilang alagaan at intindihin ito dahil nga hindi na ito nakakabangon mula sa kama. Nang lumaon at nakagraduate na ang dalawa at nagkatrabaho, masyado na nilang dinibdib na pabigat ang Kuya.
"Mabuti pa si Kuya, hindi nagugutom kahit maghapon at magdamag lang nakahilata, de-aircon pa!"
Madalas marinig ni Jove ang ganitong mga pananalita dahil hindi naman tinatago ng magkapatid ang inis sa Kuya.
Minsang nag-uwi si Trina ng nobyo sa bahay nila ay hindi sinasadyang naiwang nakabukas ang pintuan ng kwarto ni Jove. Ngumiti si Jove sa nobyo ng kapatid, at biglang napatanong ang lalaki kay Trina kung sino ang lalaking iyon. Dali-daling isinara ni Trina ang pinto ng kwarto ng Kuya, sabay sabing malayong kamag-anak lamang nila ang nakaratay sa kama. Sinabi pa niyang wala na raw itong ibang kamag-anak kaya naiwan na lang sa kanilang pangangalaga.
Narinig itong lahat ng magulang nina Trina. Sa sobrang galit ay pinauwi nila agad ang nobyo ng anak upang makumpronta nila si Trina kung ano ang problema nito sa Kuya.
"Eh kasi naman ma, nakakahiya naman talagang ganyan si Kuya. Walang silbe. Ni hindi makatulong sa bahay o sa paghahanap buhay. Baka layuan ako ng mga lalaki dahil isipin nilang may lagi akong inaalagaang baldado!"
Iyak nang iyak si Jove dahil narinig niyang lahat ito.
Sagot ng ina, "Kung alam mo lang Trina kung bakit nagkaganyan ang Kuya mo, hindi ka makakapagsalita ng ganyan!"
Ngunit pinigil ni Jove na makapagsalita ang ina nang higit pa.
Isang gabi, si Aaron naman ang umuwi nang lasing. Nadatnan nito ang bill nila sa Meralco, at napamura na lang ito sa nakita. Napakamahal kasi ng kuryente nila dahil hindi pinapatay ang aircon sa kwarto ni Jove. Sa inis nito ay sinugod niya ang kapatid, sinuntok ito ng malakas sa mukha at saka pinatayan ng aircon.
"P*******a mo wala kang silbi! Pabigat ka kahit kailan! Hindi ka na nakakatulong perwisyo ka pa!" Ambang sasapakin pa niya ng isang beses ang kapatid, ngunit napigilan ito ng mga magulang ng magkakapatid. Maging si Trina ay nagising at nakitang duguan na ang Kuya Jove nito. Ngunit imbes na maawa ay tila natuwa pa ito.
Sa wakas ay nagsalita ang ama ng magkakapatid.
"Gusto niyong malaman kung bakit nabaldado ang Kuya ninyo??? Yan ay dahil nung mga bata pa kayo, sabay-sabay kayong tumatawid ng kalsada ngunit biglang may jeep na humarurot at muntik na kayong masagasaang dalawa! Tinulak kayo parehas ng Kuya Jove ninyo para mailigtas kayo at siya ang napuruhan! Simula noon ay hindi na siya nakalakad pang muli!"
Natigilan ang magkapatid at nahimasmasan din si Aaron. Napabagsak na lang sila sa sahig nang umiiyak, at hiyang-hiya sa lahat ng ginawa nila sa Kuya nilang nag-alay ng sarili nitong lakas at mga pangarap upang maisalba ang sa kanila.