Kahit nalulungkot, pinilit ni Sabrina na maging matatag nang magdesisyon si King na sumama sa kanyang ina sa U.S. Matagal na rin kasi nilang planong magpakasal, at dumating nga ang oportunidad na si King ay makapagtrabaho sa Amerika, dahil naghanap ng web developer ang boss ng mama niya.
Sa ganitong paraan, mas mabilis silang makakaipon para sa kasal. Nangako si Sabrina na pagkatapos ng isang taon ay susunod din ito sa U.S. para doon na magtrabaho. Nauna lang kasing gumraduate si King sa college kaya hindi pa siya makakasabay.
Gabi bago ang araw ng pag-alis ni King, niyaya niya si Sabrina na lumabas sa mamahaling restaurant. Habang umiinom ng wine ay may napansin si Sabrina sa loob ng kanyang baso. Isang singsing.
"Will you marry me?"
Napaiyak si Sabrina at umoo sa kanyang kasintahan, kahit magsisimula na ang isang taon nilang long-distance relationship kinabukasan.
Nang makarating sa Amerika ay araw-araw na lang nag-usap sa Viber ang dalawa. Ngunit sa paglipas ng mga linggo, napapadalang na ang pagsagot ni King sa kasintahan. Minsan ay umaabot ng tatlong araw na wala itong paramdam, bagay na bahagyang kinalungkot ni Sabrina. Pero iniisip niya na lang parati na baka pagod lang ang kanyang fiance sa pagtatrabaho, kaya hinayaan niya ito.
Sa wakas ay dumating na rin ang araw ng graduation ni Sabrina, na kanya na lang hinihintay para makasunod na sa minamahal.
"Isang linggo na lang babe, magkakasama na tayo riyan!"
Ngunit ang sagot ni King ay, "Sab, baka hindi mo magustuhan ang makita mo pagdating mo. Pero I'll see you. Mahal kita."
Kinabahan man ay pinanghawakan na lang ni Sabrina ang pagsasabi ni King na mahal pa rin siya nito. Ngunit pagdating niya sa airpot, walang King na sumalubong sa kanya. Ang tanging sumundo sa kanya ay ang Tita Arlyn niya, nanay ni King. Tahimik lamang ito habang kinukuha ang gamit niya, at pinag-drive siya nito patungo sa isang ospital.
Bago lumabas ng sasakyan ay nagpaliwanag na rin ito.
"Anak, hindi talaga trabaho ang ipinunta ni King dito. Nagpagamot siya para sa lung c@nc3r. Matagal bago namin nalaman, kaya hindi nakayang sa Pilipinas siya magpagamot. Ayaw niyang sabihin sayo, Sab, kasi ayaw niyang mag-alala ka pa at nagtiwala siyang gagaling naman siya bago ka sumunod dito. Kaya lang..."
Dali-daling tumakbo si Sabrina sa loob ng ospital nang umiiyak. Nang mahanap niya si King, napakapayat nito at sobrang hikahos na sa paghinga. Halos hindi na siya nito makita dahil sa daming komplikasyon ng sakit niya.
Sa kabila nito, nginitian siya ng fiance at narinig niyang sambitin nito kahit mahina, "Mabuti, nakarating ka. Mahal kita."
Pagkasabi nito ay tuluyan nang binawian ng buhay si King, at naiwan si Sabrinang humahagulgol na nakayakap sa kanya.
Source: Viral


