May 09, 2019

Akala Ng Biyenan Ay Puro Pasarap Lang sa Buhay ang Asawa ng Anak Niyang Seaman. Sobrang Napahiya Siya Nang Malaman Ang Totoo.



Palaging mainit ang ulo ni Aling Dyona sa manugang nito na si Alyssa. Magkasama kasi sila sa iisang bahay, habang ang anak ni Aling Dyona na si Jerick ay nagtatrabaho bilang seaman. Pati ang lola ni Jerick ay kasama rin niya, habang nag-iipon pa ang mag-asawa ng sapat na pera para sila ay makabukod na.

Noong una ay ayaw sana ni Dyona na mangibang-bansa si Jerick, ngunit ito ang tanging paraan upang agad din silang makaipon, dagdag pa sa binibigay ng lalaki sa kanyang ina na tinataguyod niyang mag-isa dahil solong anak lang siya.

Ang problema, madalas pagsalitaan ng masakit ni Aling Dyona ang manugang dahil wala itong trabaho, at panay lang ang pakikipag-chat sa Facebook, sa kung sino-sinong tao. Sa isip niya'y napakasarap ng buhay ni Alyssa habang nagpapakahirap ang anak niya!

Ngunit sa totoo lang, si Aling Dyona naman ang nagpapakasarap sa buhay. Araw-araw itong nakikipag-mahjong sa kanyang mga kaibigan, gamit ang perang pinapadala ng anak. Madalas pa itong humihirit kay Jerick na dagdagan naman ang buwan-buwang ipinapadala nito dahil hindi naman daw sumasapat.

Upang matugunan ito, kumuha ng isa pang trabaho si Jerick sa ibang bansa, dahilan upang bumagsak ang katawan niya sa sobrang pagod at sakit.


Minsang nagkausap sila sa Skype ay inudyukan na ni Alyssa na umuwi na lang ang asawa. Awang-awa siya sa kung gaano kapayat at kasakitin na ito tingngan. Pumayag naman ang asawa dahil pagod na rin itong malayo sa minamahal na babae. Nangako itong maghahanap na lang ng trabaho pagkauwi ng bansa. Ngunit nanggalaiti ang biyenan ni Alyssa, at halos masampal pa siya.



"Bakit mo pinauwi si Jerick ha? Ikaw ba ang bubuhay sa kanya? O hahayaan mo na lang siyang mamatay dahil sa katamaran mong kumita ng sarili mong pera?"

Ngunit wala nang nagawa ang matanda. Sinalubong na lang nila si Jerick sa paliparan. Napakahina na nga nito at kinailangan nang isugod agad sa ospital! Habang binabantayan ni Alyssa ang asawa ay nakiusap ito sa biyenan na magwithdraw ng pambayad sa doktor. Dahil para naman sa anak ay pumayag si Aling Dyona.

Halos himatayin ito nang makita ang laman ng ATM ni Alyssa: Limang Milyong Piso!



Nang makabalik sa ospital ay doon lamang nagkwento si Alyssa, na ni isang kusing ay wala itong ginalaw sa lahat ng perang padala ng asawa niya. Iniipon niya ito para anumang oras na gustuhing umuwi ng lalaki ay may madadatnan siyang pera. Kaya pala laging nasa Facebook ay nagba-buy and sell ang dalaga, at doon kinukuha ang perang pantustos niya araw-araw sa sarili niya.

Napanganga na lang ang biyenan sa lahat ng narinig niya.