Kung ikaw ay sumusubok magwithdraw ng pera ngunit walang lumalabas kahit alam mong may laman pa ang iyong ATM card, 'wag agad-agad kakabahan! Baka mamaya, may daga lang palang nakapasok sa loob ng ATM at kinain ang lahat ng perang laman nito! Kung sa tingin niyo ay masyadong imposible na mangyari ito, mag-isip kayong muli.
Sa isang bayan sa India ay nangyari na nga ang parang napaka-imposibleng bagay na ito! Labindalawang araw nang sinusubukan ng mga tao na magwithdraw ng pera mula sa isang ATM. Ngunit kahit anong subok nila ay ayaw talaga nitong maglabas ng pera at palagi pang out of order! Hindi malaman ng mga technician kung ano ba talaga ang problema, hanggang sa napagdesisyunan nilang buksan na ang makina nito.
Tama naman sila sa pagsasabing puno pa ng pera ang loob ng ATM kaya dapat ay nakakapagwithdraw pa dito. Ayun nga lang, tila naunahan na ng isang daga ang lahat ng nagnanais kumuha ng pera. Nakakatawa pa, hindi naman ninakaw ng daga ang mga pera para ipambili ng pagkain. Bagkus ay ang mga papel na pera mismo ang ginawa nitong almusal.. tanghalian.. hanggang hapunan!
Halos $20,000 din daw ang nginatang pera ng nag-iisang daga na ito. Kung akala ninyo ay naka-jackpot na siya, hindi rin naman. Samakatuwid, nang buksan ng mga otoridad ang ATM ay halos naaagnas na ang daga! Tama, pagkatapos magpakabusog sa pera ay binawian na rin ng buhay ang daga sa loob ng makina.
Ano ang gagawin mo kung sa iyo ito mangyari, halimbawang may malaki kang ipon sa bahay at sa panahong gagamitin mo na ito ay matuklasan mong kinain na ito lahat ng daga? Ang laking sakit sa ulo, hindi ba?
Buti na lang, sa pagkakataong ito ay bangko na lang ang mamomroblema. Kailangan pa rin naman nilang ma-issue-han ng pera ang kanilang mga kliyente, kesehodang nakain ng daga ang kanilang mga nakaimbak na kwarta.
Source: Truth Theory