"Day, kapag may nalaman kang hiring pa dito, sabihan mo ako ha. Kailangan ko pa ng isang work, eh."
Nagulat si Rica sa sinabi ng kaibigan. Sa lahat sa kanilang Pinay na nagtatrabaho bilang tagalinis sa Hong Kong, si Nora na ang pinakamasipag. Lahat ng job order ay tinatanggap nito, kahit minsan isa o dalawang oras na lang ang nagiging tulog niya sa gabi.
"Magca-college kasi yung panganay ko sa pasukan, tapos magha-high school naman 'yung bunso. Medyo malaki-laking pera ang kailangan," paliwanag naman ni Nora.
Nang gabi ring iyon ay nakipag-Skype si Nora sa dalawa niyang anak. Excited na excited ang mga ito na ibalita sa kanilang nanay na parehas silang tatanggap ng medalya sa araw ng graduation.
"Mama, uuwi ka ba, mama, para sabitan kami ni ate ng medalya?" nasasabik na tanong ng anak na si Louise.
Nagpigil ng luha si Nora at sinabing, "Anak, pasensya na. Nag-iipon kasi ako ngayon ng pang-bakasyon natin pag-uwi ko dyan para iyon ang reward ninyo!"
Nang matapos ang usapan ay nakangiti ang dalawang anak ni Nora, ngunit siya ay hindi magkandaugaga sa pag-iyak. Hindi niya maamin sa mga anak na ang pinag-iipunan niya ay ang pang-enrol nila sa susunod na taon. Kung hindi siya makaipon ng sapat ay iyon na ang mga huling medalyang kanilang matatanggap dahil hindi na sila makapagpapatuloy pa sa pag-aaral. Hindi niya mapapatawad ang sarili kapag humantong lang sa ganoon ang lahat.
Kinaumagahan, mugto pa ang mga mata ay nagsimula nang maglinis sa bahay ng amo niya si Nora. Nang maglabas ito ng basura, nagulat ito nang mamataan ang isang black garbage bag na may nakasilip na pera. Binuklat niya ito at limpak limpak na pera ang kanyang natagpuan. Halos aabot isiguro iyon ng isang milyon.
Dali-daling iniuwi ni Nora ang malaking supot sa bahay ng amo. Tinawagan niya agad ang kaibigan niyang si Rica upang ibalita ang nangyari. Tuwang tuwa naman si Rica at sa wakas ay matatapos na ang problema ni Nora. Ngunit hindi inaasahan ni Rica ang susunod na narinig mula sa kaibigan.
"Tumawag ako sayo Rica actually para tulungan mo akong hanapin ang may-ari ng perang ito. Hindi ko ito maaangking sa akin kasi hindi ko naman ito pinaghirapan!"
Bago pa man makasagot ang kaibigan ay nakarinig ng mabagal ngunit malakas na palakpak si Nora. Paglingon niya ay nakangiti ang amo niya sa kanya. Isa iyong Intsik na talagang napakayaman ngunit hindi nagkaroon ng mga anak na mapagmamanahan.
Baku-bako man mag-Ingles ay nasabi ng amo sa kanyang: "I'm proud of you, Nora. I deliberately left that money for you to find, to see if you will keep it to yourself."
Ipinaliwanag ng Instik na gusto niyang malaman kung talagang mabuti ang puso ng kanyang kasambahay. Magreretiro na kasi ito sa Italya, at naghahanap ng mapapag-iwanan ng kanyang mansyon at business na restaurant sa China.
"You passed my test, Nora. All that I'm leaving behind in China, will now be yours."
Nangilid ang luha sa mga mata ni Nora nang mapagtantong hindi na siya kailanman mamomroblema sa kinabukasan ng kanyang mga anak. Napayakap na lang ito sa among napamahal na rin sa kanya.