Isa nga talaga ang Pilipinas sa may pinakamagagandang mga beach sa buong mundo. Hindi nakapagtatakang dinadayo tayo lagi ng mga foreigner dahil na rin napakamura para sa kanila ang magtungo sa mga tourist spots dito sa bansa. At ngayon ay bukas na para sa publiko ang Banwa Private Island sa Palawan. Ngayon pa lang ay lumilikha na ito ng ingay dahil sa pagiging pinakamahal na private resort sa buong mundo.
Ang babayaran mo dito ay privacy, o ang katahimikan na parang iyong-iyo ang buong isla. Yan ay dahil sa lawak nito, 48 na katao lang ang pwedeng mamalagi sa bawat panahon. May mga beach-front villa na pwedeng tuluyan kung saan talagang ipararamdam sa iyo na parang ikaw ay hari o reyna. Unlimited ang spa treatment, at marami pang mga pasilidad kagaya ng yoga at golf club.
Maging ang iyong pagkain ay aalagaan sa private island resort na ito. Sampu ng mga chef na tanyag sa buong mundo, gagawing espesyal para sa iyo ang bawat mong kakainin sa pamamalagi mo sa islang ito. At dahil ito ay itinayo sa Palawan, hindi matatawaran ang ganda ng natural na kalikasang matatagpuan mo sa lugar na ito.
Ngunit bago mo isulat sa iyong travel bucket list ang Banwa Private Island, marapatin munang pagplanuhan at isipin kung gaano katagal mong pag-iipunan ang pagpunta dito. Unang una, walang ibang paraan para makarating sa lugar na ito kundi gamit lang ang pribadong eroplano, jet plane, o di naman kaya'y yate. Walang pampublikong sasakyan o eroplano man ang basta-basta makakapagdala sa iyo sa isla.
Isa pa, kakailanganin mo ng $100,000-- o higit sa limang milyong piso upang mabayaran ang isang gabing pananatili sa isla. Hindi rin naman sila pumapayag na manatili ka lang ng isang gabi, bagkus kailangan mong mag-book ng minimum na tatlong gabi sa isla. Kaya papatak na labinlimang milyong piso ang kailangan mong ipunin para makatira dito kahit saglit-- at pang-isang tao pa lamang yan!
Sa kabila ng ganda at kakaibang taglay na mahika ng islang ito, siguradong iilang Pilipino lang ang makakayanang manatili dito. Kung ikaw ang tatanungin, gugustuhin mo bang makapunta sa Banwa Private Island at handa ka bang pag-ipunan ang islang ito? Bakit o bakit hindi?
Source: Independent


