May 06, 2019

Laking Pasasalamat Ni Tatay sa Nagbayad sa Kanya ng Pekeng P1,000 Bill Dahil Grabeng Biyaya Ang Naging Kapalit Nito!



Umaga ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Kristo nang maka-bwena mano si Manong Solomon Alfanta. Isang mama ang bumilio ng P100 na prutas mula sa kanya. Nagbayad ito ng P1,000 at agad naman niyang sinuklian ng P900. Magandang simula ito para sa araw ng tindero ng prutas. Ngunit sa kasawiang palad, nalaman niyang siya pala ay na-goyo nang lumaon at sinubukan niyang ibili ng karne sa palengke ang P1,000 na binayad sa kanya.

Ang tindero ng baboy pa ang nagsabi sa kanya na peke o kopya lang ang P1,000 na kanyang ipinresenta. Doon lang din napagtanto ni Solomon na siya nga ay naloko. Madilim pa kasi noong bumili ang mama kaya hindi niya napansin. Para sa isang asawa at ama ng pitong anak, napakalaking dagok nito gayong saktong sakto lang ang kanyang kinikita para sa kanilang pang araw-araw na gastusin.



Kaya laking gulat na lang ni Manong Solomon nang minsang may mag-post sa Facebook tungkol sa nangyari sa kanya. Nagkataon lang kasi na napakwento ito sa isa pang binatang bumili ng prutas sa kanya. Dahil sa awa at simpatiya ng mga ito kay Kuya, na marangal namang nagtatrabaho ngunit niloko pa ng ibang tao, dumagsa ang tulong para sa kanya. Marami ang lumapit at nag-abot ng donasyon para mapawi ang bigat ng pekeng perang ibinayad.

Mayroon din namang mga bumili ng prutas at sadyang nagbayad ng pa-sobra, at hindi pumayag na ibalik ni Manong Solomon ang labis sa kanilang pera. Lahat ng sobrang biyayang ito ay naipon ni Mang Solomon at ng kanyang asawa, at ngayon ay napabuti pa tuloy ang lagay nila.



Nagawa pang magbiro ng mag-asawa na baka makayanan na nilang maghanda ng isang outing sa dagat para sa pito nilang mga anak. Subalit syempre, hindi naman nila tinuloy ang pangarap na ito, dahil di hamak na mas may pakinabang sa kanilang buong pamilya na ginamit na lang ni Solomon ang sobrang kita upang mapakapagpatingin sa doktor at makapagpagamot na rin kung kailangan.


Source: Cebu Daily News