Lahat na yata ng pamahiin at kakaibang mga sabi-sabi ay sinubukan na ng mag-asawang Nena at Armando para lamang magkaanak sila. Walong taon na mula nang sila ay ikasal at nagsimulang magsama ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin sila nakakabuo. Sumayaw na sila sa Obando at nag-alay ng itlog sa Maria, ngunit wala naman silang napala.
Hanggang sa napagdesisyunan nilang sundin ang payo ng ina ni Nena na lumapit sa isang albularyo sa probinsya nila sa Bacolod. Ngunit pagdating pa lang nila doon ay tinanong na agad sila ni Aling Marta kung buo na ba ang loob nila sa gagawin.
"Malaki ang hihingin ninyo sa albularyo. Tiyak na malaki rin ang hihingin nitong kapalit."
Ngunit talagang buo na ang loob ng mag-asawa. At sa loob lang ng dalawang linggo ay nakaramdam na ng buhay sa loob ng sinapupunan niya si Nena. Nang patignan nila sa doktor, nagulat ang mag-asawa nang malamang hindi lang isa kundi kambal pa ang ipinagbuntis ni Nena! Laking pasalamat nila sa albularyo nang dalawin nila ito upang ibalita na naging matagumpay ang ritwal, ngunit isang malungkot na tingin lang ang isinukli nito sa kanila.
Paglipas ng siyam na buwan ay agad napagtanto ng mag-asawa kung ano ang dahilan niyon. Sinabi na agad ng doktor na nagpaanak kay Nena na hindi magtatagal ang buhay ng kanyang kambal sa kadahilanang pinanganak ang mga ito nang may mahihinang baga.
Maghapong ipinaghele ng mag-asawa ang kanilang kambal, at higit isandaang beses nilang sinabi sa mga sanggol na mahal na mahal nila ang mga ito. Ngunit pagsapit ng gabi, magkasunod na binawian ng buhay ang kambal.
Totoo ngang nagkaanak sila ayon sa pangako ng albularyo, ngunit ilang oras lang pala nilang makakapiling ang mga ito. Napakasakit para sa mag-asawa ang pangyayaring iyon ngunit natutunan agad nilang may mga bagay na hinihintay kung kailan darating at hindi basta ipinipilit kung kailan lang gusto.