Hindi madaling tumigil sa bisyo. Kapag nakasanayan mo na ang alak, yosi, o pagsusugal sa iyong pang araw-araw na buhay, minsan kahit gusto mo nang tumigil, hindi mo ito magagawa. Kakailanganin mo ng matinding lakas ng loob at matibay na paninidigan para mapagpatuloy at tuluyang mawaglit ang kahit anong bisyo.
Mahirap pero hindi imposibleng mawaksi ang bisyo. Yan ang napatunayan ng isang butihing ama mula sa Taiwan.
Naging viral sa social media ang kwento ng tatay na ito matapos niyang ibahagi ang kwento ng kanyang tuluyang pagtigil sa paninigarilyo. Tinigil niya ang paghithit ng yosi simula nang ipanganak ang kanyang unang anak. Ayon sa kanya, pinili niyang magbago para maging isang mabuting halimbawa para sa kanyang anak at para mapanatili ang mabuting kalusugan ng kanyang pamilya.
Ngunit bukod sa pagiging mabuting halimbawa at pagnais ng magandang pangangatawan para sa kanyang mag-ina, malaki din ang naipon ng lalaking ito simula nang tigilan niya ang paninigarilyo!
Dinisiplina niya ang kanyang sarili sa paninigarilyo -- at bukod pa riyan, pinatawan niya ang kanyang sarili ng multa na kada maiisipan niyang magsindi ng sigarilyo ay kailangan niyang maglagay ng mahigit NT$50 o lagpas 80 piso!
Kung titignan lamang sa litratong ito. -- nagtagumpay si Tatay sa kanyang pagtigil! At dahil sa pananabik sa yosi ay nakapag-ipon siya ng mahigit kumulang NT$60,000 o lagpas 100,000 pesos sa kabuuan ng kanyang pagpipigil!
Sa ngayon, nagawa nang alisin ng amang ito ang yosi sa kanyang sistema, at nagawa niya ring ilibre ang kanyang mag-anak sa isang bakasyong grande-- gamit lamang ang perang naipon niya sa pagmumulta! Ang galing diba?
Dapat bang hangaan at tularan ang gawaing niyang ito? Mayroon din ba kayong sariling kwento tungkol sa matagumpay na pagtigil ng bisyo? Ibahagi ang inyong mga komento dito!
Source: PTAMA

